Natanong ko sa isang nakatatanda kung kailan tinigil ang paggamit ng Latin sa misa (Gusto ko kasing malaman kung may kinalaman ito sa pagtigil ng pagtuturo ng Latin sa paaralan). Ang sabi ng nakatatanda sa 'kin, mga 1965/66 daw.
Maliban dito, nabanggit niya na dahil Latin ang misa at hindi rin naman maintindihan ng maraming tao ang pinagsasabi ng pari, kadalasa'y nag-rorosario na lang daw ang mga tao habang nagmimisa. Tinanong ko kung anong wika ang gamit sa pagdasal ng rosaryo, kung Latin ba at ang sagot niya'y hindi.
Nakakatuwang malaman ang konteksto ng pagrorosario ng mga matatanda habang may misa na paminsan-minsan nakikita pa natin hanggang ngayon (at kahit na pagsabihan na sila ng pari na hindi ito dapat gawin, patuloy pa rin itong ginagawa). Old habits die hard ika nila. Nakakatuwang isipin na ang pagrorosario ay isang pamamaraan kung saan naiintindihan ng karaniwang tao ang sinasabi niya sa Diyos.
Meron kaya itong kaugnayan sa pagkamalapitin ng Pilipino kay Birheng Maria? Kung sa pakikipag-usap kay Hesus kailangan mag-Latin, kay Maria, hindi ito kinakailangan at puwedeng kausapin ang mahal na ina sa salita ng karaniwang tao. Ito rin kaya ang dahilan kung bakit ang mga Atenista ay naging kilala na nagdadala ng rosario sa kanyang bulsa hanggang sa kamatayan?
Ngayon na ang wika sa misa ay naiintindihan ng karaniwang-tao, hindi na laganap ang pagrorosario habang nagmimisa. Sa panahon ngayon na ang Diyos ay minsan tinuturing na kaibigan, hindi na rin nakikitang kinakailangan ang formula prayers na kabahagi ng pagrorosario (Wala na akong kilalang Atenistang nagbibitbit ng rosario araw-araw). Ang bawat isang tao ay inaakalang puwedeng kausapin ng diresto ang Diyos na hindi nangangailangan ng pamamagitan ni Maria.
Kung meron pa kayong nakitang matandang nagrorosario habang sila'y nagmimisa, huwag na itong suwayin. Ang matandang ito ay nakikipag-usap sa Diyos sa wikang kanyang naiintindihan.
No comments:
Post a Comment